LEGAZPI CITY — Napaaga ang pagsalubong ni kamatayan sa isang 60-anyos na ama makaraang sakalin ng sariling anak na lalaki na lango sa alak sa loob ng sariling bahay sa Barangay Batuhan, Masbate City, Masbate kamakalawa. Kinilala ang ama na napatay na si Jaime Cuyos, magsasaka. Samantala, nasakote naman ng mga barangay tanod ang suspek na si Ronnie Cuyos, 31. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na sinita ng biktima ang paulit-ulit na paglalasing ng suspek na humantong sa matinding pagtatalo ng mag-ama. Napag-alamang nagalit ang biktima kaya binato nito ng plano ang galit-na-galit na suspek hanggang sa magpambuno ang mag-ama at humantong sa pananakal hanggang sa mapatay ang matanda. Ed Casulla
2 suspek sa murder timbog
OLONGAPO CITY — Dalawang pangunahing suspek sa kasong pagpatay sa isang kahera ng bahay sanglaan ang nasakote ng mga tauhan ng Zambales Criminal Investigation and Detection Group sa bahagi ng Bolinao, Pangasinan kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Rina C. Aguna, 27; at Raul “Rodlyn” Clave, 21, kapwa naninirahan sa Barangay Burgos, San Antonio, Zambales. Ayon kay P/Supt. John Lopez, hepe ng local na CIDG team, ang dalawa ay responsable sa pagpatay sa biktimang si Caroline Tolentino, 33, ng Olongapo City noong Agosto 10, 2007. Bukod sa pagpatay ay ninakawan pa ng mga suspek ang biktima ng P20,000 bago itinapon sa madamong bahagi ng Sitio Maligaya sa Barangay Burgos, San Antonio, Zambales. Jeff Tombado
Misis kinatay ng biyanan
LEGAZPI CITY — Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng Isang 7-buwan na buntis na misis makaraang pagtatagain ng kanyang biyanang lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Mayngaran, Masbate City, Masbate kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Gina Surigao, 30, at maging ang sanggol sa sinapupunan ay hindi na naisalba pa ng mga doctor. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Alejo Monsol na pinaniniwalaang nagalit sa mister ng biktima dahil sa pakikialam sa personal na pamumuhay. Lumitaw sa imbestigasyon na umawat lamang ang biktima sa matinding bangayan ng mag-ama sa loob ng kanilang bahay hanggang sa maganap ang malagim na krimen. Ed Casulla