CAMP AGUINALDO — Umaabot sa 100-katao mula sa isang barangay sa San Mateo, Rizal ang nagsilikas kahapon sa mga evacuation center bunga ng landslide na epekto ng hagupit ng bagyong “Egay”.
Sa ulat ng Office of Civil Defense, ang mga apektadong residente ay taga-Purok II sa bayan ng San Mateo.
Nabatid na dahil sa paglambot ng lupa ay nagkaroon ng landslide sa nasabing lugar at upang maiwasan ang panganib ay pinalikas ang mga residente sa ligtas na lugar.
Samantala, ayon pa kay OCD Administrator Glenn Rabonza, hindi pa rin madadaanan ang mga pangunahing lansangan sa Pampanga at Aurora dahil sa pagbaha dulot ng bagyo.
Kabilang sa mga apektado ay ang bahagi ng Candaba-San Miguel Road sa Barangay Paralaya at Mangumbali sa bayan ng Candaba, bahagi ng Baliuag-Candaba-Sta. Ana Road sa San Agustin, Paligui; pawang nasa Pampanga.
Sa lalawigan ng Aurora ay matindi rin ang pagbaha sa bahagi naman ng Nueva Ecija-Aurora Road sa Barangay Villa sa Maria Aurora sa lalawigan ng Aurora kaya’t hindi rin ito madaanan ng anumang sasakyan. (Joy Cantos)