Jolo, Sulu – Pumalpak na pagpapatupad ng seguridad ang itinuturong naging pagkukulang ng tropa ng militar kaya nalagasan ng malaking bilang ang mga sundalo sa nangyaring madugong pananambang sa lalawigang ito na ikinasawi ng 26 sundalo habang 17 naman ang nasugatan kamakailan.
Ito ang kapwa inamin kahapon nina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. at Army Chief Lt. Gen. Romeo Tolentino matapos bisitahin kasama sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at iba pang mga opisyal ng militar ang tropa ng 104th Brigade ng Philippine Army sa Busbus, Jolo ng naturang probinsya.
Sa panig naman ni Tolentino, sinabi nito na dapat ay may route security patrol ang tropa ng reinforcement forces ng Army’s 33rd Infantry Battalion bago ang mga ito lumarga sa pursuit operations laban sa nagsanib puwersang mga bandidong Abu Sayyaf at Moro National Liberation Front breakaway group para naiwasan sana ang pagkalagas ng maraming sundalo.
Sa nasabing insidente ay 25 sundalo ang nasawi at marami ang nasugatan sa dalawang magkakahiwalay na insidente ng pananambang sa Indanan at Patikul, Sulu noong Agosto 9 samantalang noong Agosto 7 ay naunang naitala ang pagkamatay sa bakbakan ng isang sundalo.
Base sa tala ng militar, aabot naman sa 31 Abu Sayyaf ang napatay at 25 ang sugatan sa apat na insidente ng engkuwentro sa loob ng tatlong araw. Joy Cantos