Apat na mangingisda ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan nang sumabog ang isang napulot nilang vintage bomb habang tinatangka nila itong lagariin sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ni Police Regional Office-9 Director Chief Supt. Jaime Caringal ang mga nasawi na sina Danny Alkasi, Zaldi Sali, Junel Tiblani, pawang nasa hustong gulang at ang menor-de-edad na si Majalal Abdulmuin.
Agad na nasawi ang mga biktima nang magkagutay-gutay ang katawan sa pagsabog ng bomba na pinapaniwalaang nagmula pa noong panahon ng World War II.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Zamboanga City Medical Center ang mga nasugatang sina Antonio Martinez at Jennery Jalmani na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa pulisya, napulot ng mga mangingisda ang bomba sa tabing-dagat ng Barangay Rio Hondo ng naturang lunsod kamakalawa ng hapon.
Iniuwi ng mga mangingisda sa bahay ng isa sa mga biktima ang bomba at doon nila ito tinangkang lagariin hanggang sa sumabog ito. Joy Cantos