Hog cholera sa Bulacan nalusaw
MALOLOS CITY, Bulacan — Upang patunayang nalusaw na ang hog cholera, tatlumpung baboy ang nilitson para ihanda sa Lechon Festival sa Bulacan kahapon.
Ayon kay Gob. Jonjon Mendoza, layunin ng festival ay upang patunayan na ligtas sa sakit ang mga baboy sa Bulacan na nalagay sa hindi magandang larawan dahil sa nagsulputang ulat na lumabas sa iba’t ibang pahayagan noong nakalipas na linggo.
Ang mga baboy na nilitson ay ibinigay ng mga nag-aalaga ng baboy sa iba’t ibang bayang sakop ng Bulacan.
“Gusto naming patunayan na ligtas at malinis ang karneng baboy mula sa Bulacan at walang dapat ikatakot ang mga consumer,” dagdag pa ni Mendoza.
Aniya, ang pagpili sa mga baboy na nilitson ay nangangahulugan lamang na tiwala ang gobyerno maging ang mga nagsisipag-alaga na ligtas kainin ang mga karneng baboy sa Bulacan sa kabila ng mga ulat na insidente ng hog cholera at swine flu.
Gayundin ang sinabi ni Secretary Arthur Yap sa kanyang pagdalaw sa bayan ng Plaridel kahapon ng umaga na ang Bulacan at Pampanga ay hog cholera free na.
Ayon naman kay Dr. Felipe Bartolome, ang mga sakit ng baboy sa Bulacan ay mabilis na napigil dahil sa pamimigay nila ng bakuna at disinfectant sa mga nagnenegosyo ng baboy sa iba’t ibang bayan. (Dino Balabo)
- Latest
- Trending