BULACAN – Aabot sa P3-milyong ari-arian ng dalawamput pitong kabahayan ang nawasak matapos na manalasa ang buhawi sa Barangay Calantipay, Baliuag, Bulacan noong Lunes ng hapon. Sinabi ni Mayor Romeo Estrella na maging ang mga karatig na Barangay Matang-tubig, Tilapayong at ang Pinagbarilan ay naapektuhan din ng buhawi. Napag-alamang nagpadala na ng tulong ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baliuag sa mga apektadong pamilya upang muling maitayo ang kanilang mga bahay. Samantala, ikinagulat naman ni Dr. Flaviana Hilario ng Climate Prediction Center ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) na ang buhawi ay karaniwang lumalabas kapag may bagyo, subalit maari rin maging sanhi ng init at lamig ng panahon. Dahil dito, ilang residente ang nagpahayag na maaring sanhi ng cloud seeding operations ang nasabing buhawi. Dino Balabo/Boy Cruz