PAMPANGA — Nagbabala ngayon ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection sa Region 3 kaugnay sa ibinebentang mga pekeng fire extinguisher sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Pampanga.
Ito ang ipinahayag ni Angeles City Fire Marshal Chief Inspector Nelson Feliciano matapos na makatanggap ng mga reklamo hinggil sa nasabing pamatay-sunog.
Kabilang sa mga negosyanteng nakabili ng mga pekeng pamatay-sunog na pormal na nagreklamo sa tanggapan ng nabanggit na opisyal ay sina Shiela Caberto ng Pampanga Dairy Products; Jane Marie ng Uni-Oil Gas at si Julio Pamintuan ng Arts Craft sa Balibago City.
Karamihan sa mga nabili nilang fire extinguisher ay mga peke dahil ito ay naglalaman lamang ng kulay puting pulbos na di-maituturing na kemikal na pamatay-sunog.
Sa pahayag ng mga biktima, nagpapakilalang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga suspek upang makabenta ng mga pamatay-sunog. Resty Salvador