BATANGAS CITY — Tatlo-katao ang iniulat na napatay, samantalang isa pang kabesa ang sugatan sa naganap na karahasan sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas noong Miyerkules ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Raul Tacaca, Sto Tomas police chief, ang mga napatay na sina Luciano Capunpon, Loreto Maniaga, at Ronald Maligalig na pawang mga residente ng Barangay San Miguel, Sto Tomas, Batangas. Nasa kritikal na kalagayan naman si Barangay Captain Romeo Manzanilla matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang leeg, likod at ngayon ay nasa St. Cabrini Hospital. Ayon sa report, nag-iinuman ang tatlo nang dumating ang limang armadong kalalakihan at pilit na kinuha ang kanilang mga pera at cellphone bandang alas-12:30 ng madaling-araw. Napag-alamang pumalag si Manzanilla kaya pinagbabaril ang grupo. Arnell Ozaeta/Joy Cantos
20 coed nalason sa tubig
CAMP CRAME — Aabot sa dalawampung estudyante sa kolehiyo ang naospital matapos na makainom ng kontaminadong tubig sa ginanap na club reunion sa General Santos City, ayon sa ulat kahapon. Kamakalawa lamang isinugod sa ospital ang mga biktima matapos na kumalat na ang bacteria at makaapekto sa kanilang katawan mula sa kontaminadong tubig na kanilang nainom sa nasabing pagtitipon. Ayon sa biktimang si Kenjie Dabon, nagsimulang sumama ang kanilang pakiramdam, ilang araw matapos silang uminom ng tubig na nabatid sa eksaminasyon na kontaminado. Sa paliwanag ni Dr. Bing Aquino, attending physician ng mga biktima, nagsimulang sumama ang pakiramdam ng mga biktima isang araw matapos na makainom ng maruming tubig dahil nagi-incubate pa lamang ang bacteria sa kanilang katawan. Maliban dito, malangaw din ang lugar kung saan ginanap ang nabanggit na reunion. Joy Cantos