BULACAN — Nag-alok ng malaking halaga kahapon ang alkalde ng Bocaue para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa tatlong kalalakihan na pumatay sa isang kolehiyala noong nakaraang linggo sa bahagi ng Barangay Biñang ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Mayor Jonjon Villanueva, sinuman ang makapagtuturo sa tatlong suspek na pumatay kay Apple Ortega, 18, isang computer Engineering student mula sa Bulacan State University ay may malaking halaga na pabuya.
“Hindi dapat gumagala ang mga ganyang klase ng mga criminal ang dapat sa kanila ay mabulok sa bilangguan, kaya’t ako ay nakahandang maglaan ng malaking pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga responsable sa pagpaslang kay Apple,” pahayag ng alkalde.
Pauwi na mula sa BSU ang biktima noong Miyerkules ng gabi nang harangin at pagsasaksakin ng tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang lango sa droga na sakay sa motorsiklo ang biktima.
Ilang saksi naman ang nakakita sa biktima at agad na isinugod sa Dr. Yangas Hospital, subalit binawian siya ng buhay bago makarating doon.
Ipinagtaka naman ng mga imbestigador kung bakit celfone lang ang tinangay at iniwan ang bag at bracelet ng biktima matapos ang pamamaslang. (Dino Balabo)