Tinukoy kahapon ng Philippine National Police na mga rebeldeng New People’s Army ang nasa likod ng magkakasunod na insidente ng pagpatay sa dalawang lider militante sa Tacloban City, Leyte.
Kinilala sa police report ang isa pang biktima na si Rogelio Picoy ng Philippine Guardian Brotherhood Inc. na pinagbabaril ng mga nakamotorsiklong lalaki sa Tacloban City Supermarket dakong alas-5:30 ng umaga kahapon.
Nabatid na si Picoy ay dating miyembro ng Peasant Organization na Anakpawis-Tacloban Chapter subalit sumapi sa PGBI bago naging informer ng pulisya. Magugunita na nauna nang itinumba ng mga armadong salarin ang urban poor leader na si Charlie Solayao sa Tacloban City noong Martes. Si Solayao ay kilalang lider ng mga street vendors sa Tacloban City at vice president ng Katipunan ng mga Gudti Nga Magtirinda o Kaguma. Joy Cantos