Pulis-Laguna todas sa ambush

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tinambangan at napatay ang isang pulis-Laguna ng mga ’di-kilalang kala­lakihan habang papauwi na ang biktima sa Biñan, Laguna kahapon ng mada­ling-araw.

Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna police director, ang biktimang si PO1 Johnny Tejada Jr., 36, ng Barangay Timbao, Biñan, Laguna at nakatalaga sa 405th Provincial Police Mobile Group.

Base sa ulat, bandang ala-una ng madaling-araw habang papauwi na si PO1 Tejada angkas ng motorsiklo (DB 7094) na minamaneho ni Manny Austria nang hara­ngin at pagbabarilin ng limang armadong kalala­kihan sa Barangay Langkiwa ng na­banggit na bayan.

Bagamat sugatan, na­gawa pang makapagpa­putok ni PO1 Tejada hang­gang sa bumag­sak ang isa sa mga suspek na nakilala lamang sa apelyidong De Maranan.

Sinikap na maisalba ang buhay ni Tejada pero na­matay din ito habang ginaga­mot sa ospital, samantalang nasa kritikal na kalagayan naman si De Maranan sa isang ospital sa bayan ng Cabuyao, Laguna.

Sa panayam ng PSN kay Col. Rojas, posibleng may tama rin ng bala ng baril ang apat pang suspek na kasalu­kuyang pinaghahanap na sa mga karatig lalawigan.

 “May matagal na alitan ang pamilya ng mga Tejada at De Maranan na maaaring nagbunsod sa naganap na pamamaslang,” dagdag pa ni Col. Rojas.

Pinaghahanap na rin ng pulisya ang kasama ni PO1 Tejada na si Manny Austria na nawala matapos ang pana­nam­bang para maging susi sa ikalulutas ng kaso. (Arnell Ozaeta/ Danilo Garcia)

Show comments