CAMP AGUINALDO — Dahil sa pagtatanggol sa bunsong anak ay nagawang barilin at mapatay ng isang 77-anyos na ama ang sariling anak na pinaniniwalaang adik sa droga sa Cagayan de Oro City kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Sionil Gentiles, 43, ng Barangay Camaman-an, samantalang nakilala naman ang suspek na si Urcesio Gentiles, biyudo, ng yumaong si Judge Faustine Gentiles. Batay sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-2 ng madaling-araw noong Biyernes sa loob ng tahanan ng mag-anak matapos na magtalo ang biktima at ang kanyang kuya dahilan lamang sa motorsiklo. Hinihiram ng biktima ang motorsiklo sa kanyang nakatatandang kapatid subali’t nagtalo ang mga ito na nauwi sa pambubugbog ng una sa kanyang kuya na tinangka pa nitong saksakin. Nasaksihan naman ng suspek na ama ang insidente kaya tuluyang nagdilim ang isip sa masamang binabalak ng suwail nitong anak na agad nitong pinaputukan sa likod. Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima subali’t namatay habang ginagamot. (Joy Cantos)