CAMP VICENTE LIM, Laguna — Apat na armadong kalalakihan ang tumapos sa buhay ng isang hepe ng pulisya makaraang pagbabarilin ito sa harap ng kanyang bahay sa bahagi ng Barangay Dita, Sta. Rosa City, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Jesus Kabigting, executive officer ng Regional Special Operations Group (RSOG) sa Region 4-A, ang biktimang si P/Supt. Bernie Banalo, hepe ng Cabuyao police station.
Si Banalo ay naging security aide ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ikalawang hepe ng pulis sa Cabuyao ang pinaslang.
Ayon sa imbestigasyon, papalabas na ng gate ng kanyang bahay si Supt. Banalo sa Block 6, Lot 3 Aris Street sa Panorama Subdivision sa Mariquita Pueblo nang lapitan at ratratin ng mga ’di-kilalang kalalakihan bandang alas-8:30 ng umaga.
Naisugod pa sa St. James Hospital ang biktima, pero namatay din ito matapos ang isang oras dahil sa tinamong pitong tama ng bala sa kanyang mukha at katawan.
Nabatid na palakad na lumayo ang mga armadong kalalakihan na animo’y walang naganap na krimen patungo sa direksyon ng Barangay Bigaa kung saan matatagpuan ang fish port papuntang Talim Island na napaulat na pinagkukutaan ng mga rebeldeng New People’s Army.
Nakarekober ang mga imbestigador ng pulisya ng 11-basyo ng .45 caliber mula sa crime scene.
Nag-utos naman si Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., regional police director ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa naganap na pamamaslang. (Dagdag ulat ni Ed Amoroso)