SAN FERNANDO CITY, La Union – Kasalukuyang sinisilip ng Task Force Velasco ang anggulong may kinalaman ang isang talunang kandidato sa pagka-kongresista sa pamamaslang kina Bacarra Mayor Philip Velasco at Councilor Marcelo Andaya makaraang lumutang ang pangalan at numero nito sa cellular phone na nakumpiska ng pulisya mula sa napatay na gunman noong Linggo ng gabi.
Base sa radio report, ang pangalan at numero ng celfone ni Engineer Rey Nolan Sales, talunang congressional bet ay nadiskubre sa phone book ng Nokia 1110 ng assassin na si Marlo Kabasag.
Si Sales ay tinalo ni re-electionist at incumbent Rep. Roque Ablan na sinuportahan ni Mayor Velasco noong eleksyon.
Hindi naman nagbigay ng komento ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa Ilocos region na si P/Senior Supt. Marvin Bolabola, sa nagkakadiskubre ng pangalan ni Sales, pero kinumpirma nito na ang gunman ay positibong bayarang mamamatay-tao.
Kasalukuyang isinumite na ang celluar phone ng gunman sa CIDG’s Cyber Crime Division sa Camp Crame para masuri at na-review ang mga pangalan sa phone book.
Inihayag din sa mga mamamahayag ni Bolabola na kilala na nila ang may-ari ng .45. cal at motorsiklo na gagamitin sana ni Kabasag sa pagtakas pero napatay siya ng mga security aide ni Mayor Velasco.
Pansamantalang hindi muna isiniwalat ni Bolabola ang pagkikilanlan ng may-ari ng baril at motorsiklo upang hindi madiskarel ang serye ng imbestigasyon.
Matatandaang pinaslang ni Kabasag sina Velasco at Andaya sa loob ng auditorium habang idinaraos ang coronation night ng Bacarra Farmers Festival sa bayan ng Bacarra noong Linggo ng gabi (May 20). Jun Elias