Photojournalist itinumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang local freelance photojournalist ng dalawang armadong suspek na sakay ng motorsiklo habang papauwi ito sa General Mariano Alvarez, Cavite noong Lunes ng gabi. Kinilala ni P/Supt. Mark Edison Berlarma, Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) Region 4-A, ang biktimang si Rodolfo “Dodie” Nuñez, photojournalist ng weekly-community tabloid na “Katapat” Ayon sa report, papauwi na si Nuñez sakay ng pampasaherong jeepney nang tambangan ng mga ’di-kilalang lalaki sa kahabaan ng Governor’s Drive na sakop ng General Mariano Alvarez. Inaalam pa rin ng Cavite police kung may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang mamahayag ang pamamaslang kay Nuñez o may kaugnayan naman bilang police informant nito sa Cavite area. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)
2 dinakma sa P4-M droga
Dalawa-katao na pinaniniwalaang courier ng shabu ang dinakma ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang makumpiskahan ng P4 milyong iligal na droga sa Mandaue City Post Office, Cebu noong Lunes ng umaga. Kalaboso at pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Isidra Bacang, 24, ng Malabuyoc, Cebu; at Rodrigo Estillore, 35, ng lalawigan ng Bohol. Tugis naman ang isang Belgian national na si Joseph Van Hemelen ng Barangay Talamban, Cebu City at itinurong amo ng mga suspek. Base sa ulat ni PDEA-7 chief, Amado Marquez, nasamsam sa mga suspek ang 18 lumang libro na inipitan ng iligal na droga kabilang na ang mga naka-plastik na pinulbos na ketamine. Ang ibang iligal na droga ay nadiskubreng nakalagay lamang sa mga puting envelope na pinagmukhang ordinaryong sulat para sa pagdadalhan sa ibang bansa. Nabatid na matagal nang sinusubaybayan ng PDEA ang operasyon ng sindikato. (Danilo Garcia)
Bilangan na- bomb threat
MALOLOS CITY, Bulacan – Pansamatalang naantala ang bilangan ng boto sa San Jose del Monte City dahil sa bomb threat kamakalawa ng hapon. Napag-alamang nakatanggap ng tawag sa telepono ang isang kawani ng Sangguniang Panglungsod na si Josephine Calanog na sasabog anumang oras ang nasabing lugar kaya kaagad na naglabasan ang mga tao at itinigil ang canvassing. Subalit ipinagpatuloy ang bilangan matapos na matiyak na walang bomba na itinanim. May teorya ang pulisya na taktika ng mga natatalong kandidato, ang bomb threat para pabagalin ang canvassing. Samantala, lumutang na ang napaulat na nawawalang election officer ng Meycauayan City na si Gilbert Pallogan noong pang Sabado. Sa paglitaw ni Pallogan, sinabi niyang nahirapan lamang siya sa mahabang canvassing sa Meycauayan City kaya’t minabuti niyang nagpahinga muna. (Dino Balabo at Boy Cruz)