CAMP CRAME — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang ama na tauhan ni re-electionist Mayor Edwin Crisologo ng sariling anak dahil lamang sa magkaibang paniniwala sa isyung pulitika sa Ban gued, Abra kamakalawa.
Pitong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Carlito Mariano, 60, ng Zone 3, Tineg ng nabanggit na bayan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Elmer Mariano, driver ni mayoralty bet Lenin Benwaren.
Batay sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, kinumpronta ni Elmer ang ama hinggil sa isyu kung bakit minamaneho nito ang isang dump truck na pag-aari ng munisipalidad sa pagsunod ng mga pulis at ng election officers na may dalang ballot boxes mula sa Tineg noong May 16.
Agad namang nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang mag-ama na nauwi sa pamamaril ng anak sa kanyang sariling ama.
Matatandaang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin malinaw kung sino kina Crisologo at Benwaren ang naihalal na alkalde ng lalawigan kasunod ito ng pagkakaantala ng pagbibilang ng balota nang mabaril naman ang asawa ni Crisologo habang nagbabantay ng bilangan sa isang eskwelahan sa naturang lalawigan. (Edwin Balasa)