CAMARINES NORTE — Dalawang beses nabitin ang proklamasyon sa nanalong governor ng Camarines Norte makaraang maghain ng election protest ang natalong kandidato sa gubernatorial race sa nasabing lalawigan.
Si Incumbent Governor Jesus “Atoy” Typoco Jr. (Lakas-CMD/Kampi) ay nakakuha ng 80,830 boto, habang ang kalaban nitong si Vice Governor Edgardo Tallado (UNO) ay may 78,287 boto.
Maging ang limang nanalong board member na sina Teresita Manubay, Michael Arthur Canlas, Elpidio Tenorio, Pamela Pardo at si Jeffrey Pandi ay nadamay sa inihaing election protest ni Tallado laban kay Typoco kaya hindi rin naproklama.
Samantala, nagawang pataubin ni ex-BIR Commissioner Atty. Liwayway Vinzons-Chato, ang kalaban sa congressional race na si Incumbent Rep. Renato Unico Jr.
Si Chato na naiproklama ng Comelec ay may 81,855 boto laban kay Unico na nakakuha ng 80,102 boto.
Maging ang nanalong bise gobernador na si Roy Padilla Jr., ang nakatatandang utol ni action star Robin Padilla, ay proklamado na ng Comelec.
Kabilang sa mga alkalde na nanalo at handang manungkulan ay sina Engr. Silverio Quiñonez (Basud); Ernesto Jalgalado (Capalonga); Tito Sarte Sarion (Daet); Winifredo Oco (Labo); Pepito Lo (Mercedes); William Lim ng bayan ng Jose Panganiban; Romeo Moreno (Paracale); Dominador Mendoza (Sta. Elena); Edgar Ramores (San Lorenzo Ruiz); Stanley Alegre (San Vicente); Rodolfo Gache (Talisay); at si Oliver Ferrer (Vinzons). (Francis Elevado)