Sulyap Balita

Mag-utol pinatay sa saksak
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng mag-utol na lalaki habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang saksakin ng kanilang kapitbahay sa naganap na namang karahasan sa Barangay Burabod sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mag-utol na biktimang sina Pablo, 25 at Bienvinedo Dela Peña, 27, samantala, ginagamot naman sa ospital si Eddie Dela Peña, 17, na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Sugatan din at tugis ng pulisya ang suspek na si Crisencio Cada. Napag-alamang nauwi sa matinding pagtatalo at sigawan ang usapan tungkol sa nakalipas na laban nina Pacman at Solis hanggang sa maganap ang krimen. (Ed Casulla)
Mag-iina hinostage ng ‘tomboy’
CAVITE — Hinostage ang mag-iina ng isang babae na pinaniniwalaang tomboy makaraang magalit ang huli dahil sa akusasyong pagnanakaw ng alahas na pag-aari ng mga biktima sa Barangay Mambog 3, Bacoor, Cavite kamakalawa. Nailigtas naman ng pulisya ang mga biktimang sina Nina Samonte, 37; mga anak na sina Nielsen Nagasawa, 8; at si Neco Justin Nagasawa 6, pawang naninirahan sa Citta Italia Subd. ng nabanggit na barangay. Nakapiit naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Rachelle Donsal, 25, ng Block 37 Lot A Brgy. Sta. Maria, Dasmariñas, Cavite. Ayon sa ulat, inakusahan ng mga biktima na ninakaw ang kanilang mga alahas kaya naman naburyong ang suspek at isinagawa ang krimen. Napayapa naman ang suspek matapos ang ilang minutong negosasyon. (Cristina Timbang)
Pamilya niratrat, paslit todas
CAMP CRAME — Isang 6-anyos na lalaki ang iniulat na nasawi habang kritikal naman ang mag-asawa makaraang ratratin ng mga ’di-kilalang kalalakihan ang bahay ng mga biktima sa Barangay Sumpot sa bayan ng Dimatali, Zamboanga del Sur kamakalawa. Hindi nabatid ang pangalan ng paslit na nasawi habang kritikal naman mag-asawang Barangay Chairman Rodrigo at Lourdes Gimban ng nabanggit na barangay. Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang krimen dakong alas-11:00 ng gabi habang natutulog ang pamilya Gimban. Sinisilip ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa pulitika ang krimen. (Edwin Balasa)
Mag-asawa, anak kinasuhan
BULACAN — Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang pamilya sa bayan ng Baliuag matapos atakihin ang mga pulis na nag-iimbita sa isa sa mga suspek kaugnay ng reklamong tangkang panggagahasa nito sa isang 13-anyos na tindera. Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Napoleon Chavez, 54 at ang asawa nitong si Remedios, 50 at ang anak na si Enrico, 26, ng Fatima Road, Sitio Tumana, Brgy. San Jose ng bayang ito. Ayon kay Eleazar Fajardo ng Baliuag Police Station, nagtungo sila sa tindahan ng mga Chavez upang imbitahan si Napoleon hinggil sa sumbong na tangkang panggagahasa nito sa biktimang itinago sa pangalang Melanie, high school student na nagtatrabaho bilang tindera na pag-aari ng mga Chavez. Tumangging sumama ni Napoleon kung saan sinaksak ng ballpen ni Enrico si PO3 Majorie Taruc habang si Remedios naman ay pinagmumura sina PO3 Robert Reynoso, PO1 Aristotle Reyes at PO1 Fajardo. (Dino Balabo)

Show comments