Trak tumaob: 2 dedo, 5 grabe

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Dalawa-katao kabilang ang isang batang lalaki ang iniulat na namatay, samantalang lima naman ang malubhang nasugatan makaraang tumaob ang kanilang sinasakyang cargo truck sa bayan ng Atimonan, Quezon noong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Ceasar Bacobo, 45; at ang paslit na si Dexter Bulaong, 4, kapwa nakatira sa Nueva Ecija.

Kabilang naman sa malubhang nasugatan ay sina Rogelio Bacobo, 45, truck driver; Jun Gatmaitan, 35; Maricel Bana, 25; Owen Paguin,33, ng Cabanutuan City at Myrna Bulaong, 31, ng Aliaga, Nueva Ecija.

Base sa ulat na isinumite kay P/Chief Inspector Vladimir Llaneta, Atimonan police chief, binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng highway sa Barangay Malinao Ilaya sakay ng Isuzu cargo truck (TDK-563) patungong Bicol mula sa Cabanatuan City nang mawalan ito ng preno habang pababa sa zig-zag road bandang alas-2 ng hapon.

Nabatid na kargado ng 100 sako ng sibuyas ang truck at marahang binabagtas ang nasabing highway nang biglang kabigin pakaliwa ng drayber dahil nawalan ito ng preno at ilang ulit na umikot bago tumaob hanggang sa maipit at mamatay ang dalawa.

Show comments