Kabesa dedo sa 2 sasakyan |
CALAUAG, Quezon  Mistulang manok na nadobol-dead ang isang barangay chairman makaraang masalpok ng dalawang sasakyan sa bahagi ng Barangay Mabini sa bayan ng Calauag, Quezon, kamakalawa ng gabi. Ang biktimang nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ay nakilalang si Dominador Peda, 63, kasalukuyang kabesa sa Barangay Mabini. Napag-alamang naglalakad sa tabi ng higway ang biktima patungo sa kanilang bahay nang mabundol ito ng isang van na pag-aari ng St. Peter Memorial Chapel na minamaneho ni Ismael Sierra, 32, ng Gumaca,Quezon. Nang tumilapon ang biktima ay nasagasaan naman ito ng isang L-300 van na minamaneho naman ni Reynaldo Jusay, 31, ng Lopez, Quezon. Dahil sa takot na kuyugin ng taumbayan ay tumakas ang dalawang drayber, subalit sa follow-up operation ng pulisya ay nadakip ang dalawa sa bayan ng Guinyangan, Quezon.
(Tony Sandoval)
Dating tinyente ng PNP, itinumba |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Pinahirapan muna bago pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang dating tinyente ng pulisya ng mga rebeldeng New People’s Army sa harap ng kanyang misis sa Barangay Espinosa, Milagros, Masbate kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang retiradong pulis na si ex-P/Inspector Ruben Cana na binaril sa harap ng sariling misis sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na barangay. Napag-alamang naghuhuntahan ang mag-asawa nang pasukin ng mga armadong rebelde saka isinagawa ang pamamaslang. May posibilidad na paghihiganti ang isa sa motibo ng krimen, ayon sa pulisya.
(Ed Casulla)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Maagang pinaglamayan ang isang 7-anyos na batang lalaki makaraang makulong sa kanilang nasusunog na bahay sa Zone 1, Barangay Tambo sa bayan ng Pamplona, Camarines Sur kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang nasawing bata na si Jushua Pahilla, grade 1 pupil at residente ng naturang lugar. Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na napabayaan ng pamilya Pahilla ang kandilang may apoy na pinaniniwalaang natabig at bumagsak sa sahig na kahoy hanggang sa lumikha ng apoy. Napag-alamang nailigtas ng amang si Jeffrey Pahilla ang kanyang asawa at ibang anak, subalit sa matinding lagablab ng apoy sa buong kabahayan ay hindi na nakuhang mailigtas pa ang btktima na naiwang natutulog. Naapula naman ang apoy matapos na rumesponde na mga tauhan ng pamatay-sunog.
(Ed Casulla)