NPA bumanat ulit: 7 patay

CAMP AGUINALDO — Isa na namang karahasan ang inihasik ng mga rebeldeng New People’s Army na ikinasawi ng pito-katao kabilang na ang isang barangay chairman habang lima naman ang malubhang nasugatan sa naganap na madugong pananambang sa bahagi ng Barangay Manlubinsag sa bayan ng La Libertad, Negros Oriental kamakalawa ng gabi.

Isa sa mga napaslang na biktima ay nakilalang si Barangay Chairman Eladio Baylon ng Barangay Aya sa La Libertad at pinaniniwalaang kilalang military supporter.

Base sa ulat na nakarating kay Colonel Marcos Flores, commander ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, naganap ang pananambang dakong alas-6 ng gabi habang sakay ng service truck ng barangay ang mga biktimang papauwi mula sa pagpupulong.

Pagsapit ng mga biktima sa liblib na bahagi ng Barangay Manlubinsag ay biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at magkakasunod na bumulagta ang labindalawa.

Ang ibang kasama ni Baylon ay namatay sa Guihulangan Municipal Hospital at kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ang lima na hindi pa nabatid ang pagkikilanlan.

Sa inisyal na imbestigasyon at sa nakalap na impormasyon ni Col. Flores, ang grupo ng Larangan Guerilla 1-Komiting Regional Negros ng CPP-NPA ang responsable sa pananambang.

Kaagad namang inalerto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga detachment ng Philippine Army sa iba’t ibang bayang karatig ng La Libertad sa posibleng paghahasik ng terorismo ng NPA rebs.

Show comments