3 tiklo sa pekeng bara ng ginto |
ANTIPOLO CITY  Nalansag ng pulisya ang sindikato na nagbebenta ng mga pekeng bara ng ginto makaraang masakote ang tatlong miyembro nito sa isinagawang buy-bust operation ng Rizal Special Operation Group (RSOG) sa Barangay San Roque, Antipolo City kamakalawa ng hapon. Pormal na kinasuhan habang nakapiit ang mga suspek na sina Edward Malapitan, Lommel Lucas, at Raymundo Piano na pawang mga tubong Cagayan Province. Sa pahayag ni P/Supt. James Brillantes, hepe ng Rizal SOG, naganap ang buy-bust operation dakong alas-4 ng hapon sa isang fastfood chain sa nabanggit na barangay. Napag-alamang inatasan ni Brillantes si P/Supt. David Alauiagan na magpanggap na bibili ng 74 kilong bara ng ginto sa halagang P60 milyon sa mga suspek. Bitbit ang P40 milyong boodle money bilang paunang bayad ay tumulak ang grupo ni Alauiagan sa nasabing lugar kung saan sila magkikita ng mga suspek dala ang 74 kilong bara ng ginto. Hindi na nakapalag ang mga suspek nang ibigay sa isang poseur-buyer ang bitbit na mga bara ng ginto kapalit ng boodle money. Nakuha din sa mga suspek ang kotseng Mitsubishi Lancer na gamit ng mga ito sa kanilang modus operandi
. (Edwin Balasa/Ed Amoroso)
BATAAN  Napaaga ang pagsalubong ni kamatayan sa isang 9-anyos na babaeng mag-aaral na dinapuan ng dengue fever habang nasa eskuwelahan noong Miyerkules (Feb 21) sa Bayan ng Pilar, Bataan. Ang biktimang nasawi sa Phil. Hearth Center matapos gamutin sa Bataan General Hospital ay nakilalang si Roxanne Ercillo, grade IV sa Sta. Rosa Elementary School at nakatira sa Barangay Panilao Pilar, Bataan. Napag-alamang typhoid fever ang dumapo sa biktima base sa unang resulta sa isinagawang pagsusuri ng ilang doctor sa Bataan General Hospital, subalit inilipat ang biktima sa Phil. Hearth Center matapos na labasan ng dugo sa ilong hanggang sa tuluyang mamatay dahil sa kamandag ng lamok na nagdadala ng virus na may dalang dengue fever.
(Jonie Capalaran
Misis namatay sa panganganak |
CAMARINES NORTE  Hindi nasilayan ng isang 22-anyos na misis ang kanyang isinilang na anak makaraang salubungin ni kamatayan ang biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital kamakalawa ng tanghali. Ang biktima na pinaniniwalaang dinapuan ng eclampsia matapos na mag-convulsions dahil sa biglaang pagtaas ng blood pressure ay nakilalang si Madonna Ocampo. Hindi naman naniniwala ang tiyuhin ni Ocampo na si Roberto Acero sa ipinalabas na resulta ni Dr. Lamberto Manuel sa sinapit ng biktima kaya dumulog sa himpilan ng pulisya para magreklamo kaya sasailalim sa post-mortem examination ang nasabing misis
. (Francis Elevado)