2 suspek sa krimen timbog
February 25, 2007 | 12:00am
CAMARINES NORTE  Bumagsak sa kamay ng pulisya ang dalawang pusakal na kriminal sa isinagawang operasyon sa Purok Ubas, Barangay Gubat Daet, Camarines Norte kamakalawa. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Winston T. Racoma ng Daet Regional Trial Court - Branch 39, nasakote si Romeo Carillo, 40, sa kasong rape, samantalang si Jeremy Nael, 30, ng Roseville III sa Barangay Gubat ay may nakabinbing kaso ng pananakit sa asawa kaya inisyuhan ng warrant of arrest ni Judge Rolando M. Panganiban ng Daet Regional Trial Court Branch 40. Ang dalawa ay dinakma nina SPO3 Domingo Baay, PO3 Nelson Gesuden, PO1 Angelo Babagay at PO1 Elmer Azures. (Francis Elevado)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Dalawang mister na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang itinapon sa imbakan ng tubig (reservoir) matapos na matagpuan kahapon ng umaga sa Sitio Suha, Barangay San Jose sa bayan ng Libon, Albay. Nakilala ang mga biktima na sina Domingo Regolallo, 48; at Ariel Bobier, 28, kapwa may-asawa at mga residente ng naturang barangay. Huling namataang buhay ang mga biktima na magkasamang naglalakad sa compound ng reservoir hanggang sa biglang maglaho. Dakong alas-4 ng hapon nang matagpuan ni Bernardo Reonal, ang mga bangkay ng biktima na may mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan at may tama ng bala ng baril. (Ed Casulla)
BULACAN  Kalaboso ang binagsakan ng isang construction worker makaraang ireklamo ng rape ng isang 8-anyos na babae na anak ng live-in partner ng una sa Barangay Pajo, Meycauayan City, Bulacan, ayon sa ulat ng pulisya. Pormal na kinasuhan habang naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Val Gacuya ng Maligaya Village ng nabanggit na barangay. Napag-alamang lango sa alak ang suspek nang molestiyahin ang biktima at naaktuhan naman ng kapatid na babae ng bata ang krimen. Dahil dito, agad na humingi ng tulong sa pulisya at Department of Social Welfare and Development ang ina at mga kapatid ng biktima kayat agad ding nadakip ang suspek. Napag-alamang may 11 ulit ng hinalay ang biktima kapag naiiwang mag-isa sa kanilang bahay. (Dino Balabo at Boy Cruz)
OLONGAPO CITY  Pinalawig pa ni Olongapo City Mayor James "Bong" Gordon Jr. ang pagbabayad ng taunang business permit hanggang sa katapusan ng Pebrero 2007. Ipinagkaloob ang pagpapalawig ng taunang lisensya para mabigyang panahon ang negosyante na hindi pa kompleto ang mga papeles at upang mas marami ang sumunod sa patakarang pagrerehistro ng mga negosyo. Ayon kay Mayor Gordon, inaprubahan na ng Sangguniang Panglungsod, ang Ordinance #09 (Series of 2007) na may titulong "An Ordinance Extending the Payment of Business Permit up to February 28, 2007." "Dapat sana ay hanggang Enero 31, 2007 lamang ang huling araw ng business permit renewal, subalit sa kahilingan ng mga negosyante ay pinalawig ito," dagdag pa ni Mayor Gordon. Hinikayat naman ni Gordon ang mga negosyante sa Olongapo City na huwag palampasin ang bagong deadline upang maiwasan ang multa na dalawang porsiyento sa operasyon ng negosyo sa 1st quarter ng taon.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended