Sinampahan ng mga awtoridad ng kasong 3 counts of murder at unintentional abortion ang suspek na si Shervin Israel Api, 29, walang tabaho at nakatira sa Bobadilla compound, nasabing bayan.
Ang kaso ay bunga ng mga ebidensya na nagsasaad na positibo ang suspek sa gun powder nitrates at tatlong saksi na positibong nagtuturo na ang suspek ang una at huling namataan kasama ang mga napatay na biktimang sina Daruis Api y Olaes, asawa nitong 8-buwang buntis na si Antery at anak na si Kurt Russel, 6-anyos.
Ang mga biktima ay natagpuang tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan ng kalibre .45 baril.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa pamilya Api bunga ng pagnanasang nakawin ang bagong baril ng naturang pastor ng INC.
Ang suspek ay isa sa tatlong katao na inimbitahan ng mga awtoridad bunga ng mga impormasyong nakalap ng mga awtoridad.
Agad na pinalaya ang dalawa na sina Jun Jun Mendoza at Rico Vernal dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Tatlong saksi ang lumutang at nagsabing nakita nila si Shervin na tumatakbo palabas sa tirahan ng mga biktima at tumalon sa bakod dala ang isang kalibre .45 pistol sanhi ng pagkakaaresto ng huli sa pinagtataguan nito sa Naic, Cavite. (Ed Amoroso)