Trike vs jeepney: 2 todas

ANTIPOLO CITY – Dalawang kalalakihan ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang magsalpukan ang pampasaherong jeepney at traysikel sa makurbang highway na sakop ng Sitio Cabading sa Barangay San Jose, Antipolo City kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ruben Estrella, 49, drayber ng traysikel at pasahero nitong si Efren Alpapara, 50, pawang residente ng Barangay San Jose habang patuloy namang ginagamot ang isa pang pasahero ng traysikel na si Nestor Manlangit, 48.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na suspek na nakilalang si Mario Bodoc, 23, drayber ng pampasaherong dyip na nakasalpukan ng traysikel.

Nabatid na tinatahak ng traysikel ang kahabaan ng Marcos Highway sa Sitio Cabading nang magpasyang mag-overtake sa unahang sasakyan.

Subalit, hindi agad nakapasok sa kabilang linya ang traysikel at nahagip ang kasalubong na pampasaherong jeepney na minamaneho ng suspek.

Dahil sa lakas ng bangga ay agad na nasawi sina Estrella at Alpapara habang malubha naman si Manlangit. (Edwin Balasa)

Show comments