Brgy. kagawad niratrat patay
January 14, 2007 | 12:00am
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang incumbent barangay kagawad ang nasawi matapos na pagbabarilin ng mga di-nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Barangay Malobago, Guinobatan, Albay. Nakilala ang biktima na si Gilberto Mostasa, 31, may asawa at residente ng naturang lugar. Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng gabi habang ang biktima ay nakaupo sa loob ng bahay na pag-aari ng isang nakilalang Guadalupe Romero na kung saan ito ay pansamantalang nakatira dahil nasira ang bahay nito ng bagyong Reming. Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong suspek at niratrat ang biktima na nabigo ng maisalba ang buhay sa pagamutan. Hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Ed Casulla)
Camp Crame Isang dinismis na tiwaling pulis ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa lalawigan ng Rizal. Batay sa ulat, ang suspek ay nakilalang si ex-PO3 Arnel Mesa ng Mesa Compound, Barangay Mambog, Binangonan, Rizal. Iniulat ng PNP Rizal Office na agad silang nagsagawa ng operasyon laban kay Mesa makaraang makatanggap ng mga reklamo mula sa residente sa lugar kaugnay ng illegal na pagtutulak ng droga ng suspek. Dalawang piraso ng maliit na plastic sachet na may shabu ang nakuha mula sa suspek. Si Mesa ay kasalukuyang nakaditine sa Rizal PNP at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban dito. (Angie dela Cruz)
CAVITE Isang lalaki na ilang buwang pa lamang nakakalaya ang natagpuang patay at lulutang lutang sa isang ilog sa bayan ng Bacoor na tadtad ng mga saksak at nakagapos ang mga kamay at paa bukod pa sa nakabalot ang mukha nito ng masking tape, kahapon. Kinilala ni Police Chief Insp. Alex Borja, hepe rito ang biktima na si Kenn More Alias "Glenn Moore/Gerry Gase" nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Mambog sa bayang ito. Sa imbestigasyon ni PO2 Joel Malinao dakong alas-5:05 ng hapon ng makita ni Brgy. Kagawad Carlos Del Rosario ng Brgy. Salinas 1 ang biktima na nakalutang sa Salinas River. Nakatali ang dalawang kamay nito at paa at nakabalot ng masking tape ang mukha na pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar at dito lamang itinapon upang iligaw ang imbestigasyon. Sa pagsisiyasat ng pulisya nabatid na kalalaya lamang ng biktima may ilang buwan pa lamang ang nakakalipas matapos na masangkot sa kasong theft. Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan ang kaso nito sa pamamaslang sa biktima. (Cristina G. Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest