Sa panayam ng PSN sa isang reliable source, napag-alaman umano ng kanyang "insider" sa Ombudsman na nakatakdang magpalabas ng suspension order laban kay Sanchez bukas (Lunes, Enero 15) dahil sa umanoy maanomalyang computerization program ng kapitolyo.
Bunga nito, inutusan umano ni Atty. Ronnie Geron, Provincial Administrator ng Batangas, ang lahat ng empleyado ng kapitolyo na magreport sa kanilang mga opisina noong Sabado at "humanda" sa nababalitang pagbaba ng suspension order laban sa gobernador.
Nag-ugat ang napipintong suspension kay Sanchez matapos maghain ng graft case si Vice Governor Ricky Recto sa umanoy pag-aapruba ng P350-million computerization program ng Batangas na hindi dumaan sa tamang proseso ng bidding dalawang taon na ang nakakaraan.
Kung magtutuloy ang suspension sa Lunes, si Sanchez ang pangalawang gobernador na nasuspinde ng Ombudsman sa taong kasalukuyan matapos suspendihin si Cavite Governor Ireneo "Ayong" Maliksi noong Huwebes ng umaga.
Sinabi ni Atty. Geron, nakahanda umano sila sa anumang maaring mangyari pero kailangang hintayin pa nila kung may lalabas ngang suspension order o wala laban sa gobernador.
Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga supporters ni Sanchez na nagbabalak na mag-vigil sa harap ng kapitolyo para suportahan ang kanilang gobernador.