January 10, 2007 | 12:00am
Mangingisda lasog sa dinamita |
CAVITE Kamatayan ang sumalubong sa isang mangingisda habang naputol naman ang paa ng kanyang kasama makaraang sumabog ang pulbura na ginagamit sa paggawa ng dinamita sa bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa. Ang biktimang si Jessie Unlayad ng Barangay Polo sa bayan ng Mauban, Quezon ay nalasog ang katawan matapos na mapuruhan habang gumagawa ng dinamita na gagamitin sa ilegal na pangingisda. Samantala, hindi naman kaagad nakilala ang isa pang biktima na ngayon ay ginagamot sa ospital. Ayon kay P/Supt. Randulf Tuaño, hepe ng pulisya sa bayan ng Tanza, naitala ang insidente ganap na alas-8:48 ng umaga sa bahay na pag-aari ni Constancio Tecson na inuupahan naman ni Elias Rojero. Nadamay sa pagsabog ang bahay ni Jasmin Abutin.
(Cristina Timbang)
Magsasaka kinatay ng kainuman |
TALAVERA, Nueva Ecija Dahil sa pagkapikon sa masamang biro ay pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 34-anyos na magsasaka ng kanyang na kainuman ng alak sa Barangay Bakal II, Talavera, Nueva Ecija, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang pinaslang na si Gerardo Parungao y Coronel ng Purok 6, Barangay Bakal II, samantalang inaresto naman ng mga opisyal ng barangay ang suspek na si Silvestre Ramos y Sagun, 58, may-asawa at isa ring magsasaka ng naturang lugar. Base sa imbestigasyon ng pulisya lumitaw na nagkabiruan ang dalawa na kapwa senglot kaya humantong sa pagkapikon ng suspek. Agad na umalis ang suspek at nang bumalik ay bitbit na ang itak saka isinagawa ang krimen.
(Christian Ryan Sta. Ana)
24 kabo timbog sa jueteng |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Aabot sa 24 kalalakihan na pinaniniwalaang kabo sa pasugalan ang nasakote ng mga pulis- Tabaco at tauhan ng Regional Intelligence Division-5 na nakabase sa Camp Simeon Ola sa isinagawang operasyon kahapon ng umaga sa Tomas Cabiles St, Tabaco City, Albay. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Jay Selo, Pepe Calada, Jessie Buela, Agosto Mangampo, Jose Gonzales, Porferio Boral, Jocel Licap, Artemio Cortez, Pedro Borlagdan, Joel Bonto, Rodolfo Belchez, Domingo Aguilar, Arnel Borromeo, Rico Brotamante, Edmundo Del Castillo Jr., Jimmy Luna, Jose Cantal, Ronnie Roman, Arnel Segunda, Jacito Garcia, Salvador Sitazate, Rolly Ocampo, Alex Salvo, at si Marcelo Balaoro. Ayon kay P/Senior Supt. Gil Hitosisi, hepe ng Regional Intelligence Division 5, ang mga suspek ay naaktuhan sa pagbola ng numero sa compound ng pag-aari ni Ricardo "Carding" Ong. Nakumpiska sa bolahan ng jueteng ang P10, 622 at mga gamit sa pasugalan.
(Ed Casulla)