2 MILF leaders sabit sa Cotabato bombing

CAMP CRAME – Dalawang lider ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang itinurong nasa likod ng pambobomba sa lungsod ng Cotabato na ikinasugat ng tatlo katao kamakailan.

Ayon kay Sr. Inspector Samson Obatay, Spokesman ng Cotabato City Police, base sa nakalap nilang intelligence report ay sina MILF Commander Said Pakiladato at Deputy nitong si Ustadz Hawon ang responsable sa pambobomba sa isang refreshment restaurant malapit sa bisinidad ng Jollibee fastfood chain na matatagpuan sa kahabaan ng Makakua St. sa nasabing lungsod pasado alas-11 ng tanghali.

Ang bomba na ginamit sa pagpapasabog ay isang improvised explosive device (IED) na 60 mm mortar na puminsala rin sa dalawang sasakyan.

Samantalang dalawa pang hindi sumasabog na bomba ang narekober sa lugar ng nagrespondeng mga elemento ng militar at pulisya.

Ayon kay Obatay sina Hawon na lider ng 105th MILF Base Command at Pakiladato ay kapwa sinanay ng mga teroristang Jemaah Islamiyah (JI) sa paghahasik ng terorismo.

"They were trained by the JI. And like in previous bombings, including those in Tacurong, Sultan Kudarat and Makilala, North Cotabato, they were involved," ayon kay Obatay.

Nabatid na si Pakiladato ay siya ring itinuturong mastermind sa 2003 bombing na kumitil ng buhay ni Datu Piang, Maguindanao Mayor Saudi Ampatuan at iba pang biktima habang marami pa ang nasugatan.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni MILF Spokesman Eid Kabalu na may kinalaman ang dalawa nilang opisyal sa naganap na pambobomba noong Biyernes sa pagsasabing pawang espekulasyon lamang ito ng mga awtoridad. (Joy Cantos)

Show comments