Kinilala ni Karl Ala, spokesman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang biktimang si Rodolfo Alvarado Jr., 53, Bayan Muna coordinator sa Albay at regional provincial director.
Ang biktima ay pinatay matapos na pasukin at ransakin ng mga armadong salarin ang tahanan nito sa nabanggit na barangay, taliwas naman sa ulat ng police regional office (PRO) 5, na ang biktima ay tinambangan habang nagmamaneho ng Toyota Corolla sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Sta. Cruz ng nasabi ring lungsod.
Narekober sa sasakyan ng biktima, ang 8 piraso ng cartridge ng cal. 45 pistola, isang baril na 9mm, magazine na may siyam na bala at barrel ng baril (9mm).
Sa talaan ng militanteng grupo, si Alvarado ay ikaapat na lider militante na pinaslang sa Kabikulan sa loob lamang ng tatlong linggo.
Napag-alamang pinaslang din noong Disyembre 21 si Francisco Bantog, Bayan Muna provincial auditor sa bayan ng Donsol, Sorsogon matapos pagbabarilin ng mga maskaradong kalalakihang sakay ang motorsiklo.
Noong Disyembre 11 ay pinaslang din ng mga armadong lalaki si Bayan Muna member Cris Frivaldo, nakababatang kapatid ni Irosin, Sorsogon Mayor Max Frivaldo.
Nasundan pa ito ng isa pang pamamaslang kay human rights group lawyer Gil Gojol matapos na dumalo sa paglilitis ng korte sa Sorsogon na ikinasawi rin ng driver nitong si Danilo France.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang naturang krimen. (Ed Casulla at Joy Cantos)