Base sa ulat na ipinalabas ni P/Supt Sheldon Jacaban, hepe ng provincial intelligence branch ng PNP-Bulacan, kabilang din ang apat na kumpanya na naging biktima ng mga rebeldeng New Peoples Army.
Kabilang sa napaulat ay ang pananambang sa mga sundalo ay naitala noong Nobyembre 30, 2004 kung saan ay 10 sundalo ng Phil. Army ang napatay sa Barangay Pasong Bangkal, San Ildefonso, Bulacan na nagsasagawa ng humanitarian mission habang nasa kalakasan ng bagyo.
Kasunod nito, ay tinambangan at napatay ng mga rebelde si P/Supt. Tomas De Armas, hepe ng pulisya sa bayan ng Angat.
Noong 2005, napatay naman sina SPO2 Mario Llarinas, SPO3 Amante Agor, SPO1 Benito Badua at si Sgt. Juanito Sabrido sa magkakahiwalay na karahasang inihasik ng mga rebeldeng NPA.
Sa taong ito, napatay naman sina 1Lt. Paul Fortuny at dalawa pang sundalo sa magkahiwalay na karahasan sa bayan ng Calumpit, Bulacan habang dalawang kabesa de barangay na sina Kapitan Leodegario Corpuz ng Barangay. Look 1st at Reyanto Estrella ng Barangay Atlag, ay kapwa nilikida sa Lungsod ng Malolos.
Isinisi rin ng pulisya sa mga rebelde ang magkakahiwalay na pag-atake sa cell site ng Digitel Telecom sa Pandi, Globe cell sites sa Hagonoy at Calumpit, habang sinalakay naman ang Monark Construction Corporation sa Norzagaray, Bulacan.
Umabot naman sa 16 kasapi ng militanteng grupo sa Bulacan, ang naging biktima ng pagpatay at pagdukot noong Enero 2005.
Kabilang sa mga biktima ay nakilalang sina Pablito Ignacio, Jessie Alcantara, Ricardo Valmocina, Roel Joseph Valmocina, Melchor Cardinal, Michael Milanay at Manuel Avilar ng San Ildefonso; Leodegario Punzal ng Norzagaray; Federico De Leon at Crisanto Teodoro ng Malolos City; Orlando Rivera ng Obando; at Enrique Perez at Napoleon Bautista ng Hagonoy.
Ang mga iniulat namang biktima na kinidnap ay sina Karen Empeño, Sherilyn Cadapan at Manuel Merino na pawang dinukot sa bahagi ng Hagonoy noong Hunyo 26. (Dino Balabo/ Boy S. Cruz)