Kinilala ng pulisya ang mag-amang nasawi na sina Danilo Abrea at anak nitong si Jedan, 14, na kapwa naninirahan sa Barangay Macabito, Calasiao, Pangasinan.
Base sa ulat ni SPO2 Gualberto Nomil, deputy station chief ng 102nd Maritime Police Station sa Dagupan City, ang matandang Abrea ay kararating lamang mula sa Yemen bilang inhinyero at nag-celebrate ng Christmas sa Tondaligan Beach Resort kasama ang kanyang pamilya.
Napag-alamang tinangkang sagipin ni Danilo ang kanyang anak na nalulunod, subalit kapwa sila tinangay ng malaking alon at tuluyang lamunin ng dagat bago narekober ang kanilang mga labi.
Sa talaan ng pulisya, ang mag-ama ay kabilang sa 20-katao na naging biktima ng "killer beach" sa nabanggit na bayan sa taong 2006 dahil karamihang nalulunod ay pawang nasa impluwensya ng alak.
Kasunod nito, apat naman magpipinsan ang iniulat na nasawi makaraang malunod habang naliligo sa beach resort sa bayan ng Binmaley, Pangasinan noong Martes ng umaga, ayon sa ulat ni PO1 Pioquinto Ursua.
Kabilang sa mga biktimang namatay sa pagkalunod ay ang mag-utol na sina Robert de Vera, 12; at Sherwin de Vera, 10, na kapwa naninirahan sa Barangay Pallas; mga pinsang sina Mariz Bagaoisan, 16; at Jayson Morales, 18 na kapwa residente ng Barangay Turac, San Carlos City, Pangasinan, ayon kay PO1 Ursua.