Sinabi rin ng biktimang si Butch Gamboa sa PSN na nakilala niya ang suspek dahil hindi naitakip ng suspek ang bonnet sa mukha nito nang gawin ang pamamaril.
Sinabi naman ni Supt. Peter D. Guibong, hepe ng San Jose City Police Station, na naniniwala sila na hindi related sa trabaho ni Gamboa ang motibo sa naturang insidente.
"Parang family feud, may kalaban ang anak niya na kamag-anak nila at nagkasuhan pa sila," ani Guibong.
Nagbigay ngayon ng security assistance si Guibong sa biktima at sa pamilya nito, ayon kay Gamboa, na nakalabas na ng pagamutan at ngayon ay nagpapahinga sa kanyang tahanan sa Barangay Sibut, dito.
Isang manhunt operation ang iniutos ni Guibong sa kapulisan sa ikadarakip ni Renato Bumatay, ang itinuturong suspek sa pamamaril kay Gamboa, habang kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng isa pang kasama nito.
Magugunita na noong Biyernes ng tanghali ay nagkober ang biktima sa pa-Christmas party ni Nueva Ecija Vice Governor Mariano Cristino Joson sa Constancio Padilla National High School sa Barangay Calaocan dito at pauwi na sa kanyang bahay nang ito ay tambangan ng dalawang armadong suspek sakay ng isang motorsiklo. (Christian Ryan Sta. Ana)