Sa report na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Calderon, kinilala ang biktima na si Atty. Gil Gujol, 50; at driver nitong si Danilo France na pawang binistay ng bala ng malalakas na kalibre ng baril.
Nabatid na si Gujol ay isang miyembro ng militanteng grupo sa Sorsogon at aktibo sa mga anti-government rallies partikular na laban sa cha-cha na isinusulong ng mga pro-administration solons.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng umaga nang harangin at pagbabarilin ang sasakyang van (XFM-649) ng mga biktima sa bahagi ng Sitio Naduyan, Barangay Payawin sa bayan ng Gubat.
Lumitaw naman sa inisyal na pagsisiyasat na nagawang makababa ng sasakyan ni Gujol pero inabutan din ito at tinodas ng mga suspek matapos na marekober ang bangkay nito may 100 metro mula sa nagkabutas-butas na van.
Ang drayber na si France ay natagpuang duguang nakasalampak sa drivers seat kayat posibleng ito ang unang binaril ng mga armadong lalaki matapos na makorner ang sasakyan ng target na si Gujol na tinadtad ng tama ng bala sa tiyan, mukha at ulo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya na pinaniniwalaang mahahanay sa mga kaso ng militanteng pinatay na hindi pa nareresolba hanggang sa kasalukuyan.