Ayon kay P/Supt. Sheldon Jacaban, hepe ng Provincial Investigation Intelligence Branch (PIIB), hindi pa nila kilala kung sino ang limang suspek na pulis, subalit mayroon na silang cartographic sketch at iniimbestigahan na nila ang kaso.
Sa talaan ng pulisya sa Camp Alejo Santos, limang armadong pulis na nakasuot ng black camouflage uniform ng Special Weapons and Tactics (SWAT), at blue police camouflage ang tumangay sa panindang paputok ng Ercy Fireworks Store sa Barangay Sta. Rita Matanda sa bayan ng San Miguel kamakalawa bandang alas-5:30 ng umaga.
Ang tindahan ay pag-aari ng isang Ercylinda Rivera ng bayan ng San Ildefonso.
Ayon kina Wheeliam Padilla at Willie Rodriguez, mga katiwala ng nasabing tindahan, tinutukan sila ng baril ng limang kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng pulis at tinangay ang mga panindang paputok na nagkakahalaga ng P.150 milyon.
Tinangay din ng mga suspek ang P4,500 ng dalawang biktima at celfone na nagkakahalaga ng P6,000, bago tumakas sakay ng puting Isuzu pick-up truck na may plakang VCF 643 patungo sa bayan ng Baliuag, Bulacan.
Batay naman sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO), natuklasan ni P/Supt. Rommel Salac, hepe ng pulisya ng San Miguel na ang nabanggit na plaka ay nakarehistro sa Toyota Hi-Ace van na pag-aari ni Vicente Escalante ng Waling-waling Street, Carmel Subdivision sa Lipa City, Batangas.
Ayon kay Jacaban, hindi na simpleng kaso ng "hulidap" ang insidente, sa halip ay isang panghoholdap.
Sa kasalukuyan, pinipilit pa ring madetermina ng mga imbestigador ang pagkikilanlan at saan police unit ang holdaper na pulis.