Bus sumalpok sa puno: 2 patay, 20 pa sugatan
December 6, 2006 | 12:00am
CAMP AGUINALDO Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang 20 pa ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok sa malaking punongkahoy ang pampasaherong bus sa kahabaan San Joaquin, Iloilo noong Lunes. Kabilang sa namatay ay sina Francisco Amacio, 26; at Ronalyn Magbanua, 18, samantalang ang mga sugatang pasahero na hindi pa mabatid ang pagkikilanlan ay nasa ospital. Sa sketchy report, patungo ang pampasaherong bus sa Iloilo mula sa Dao Anini-y, Antique nang mawalan ng preno. Sa salaysay ng driver na si Igmedio Molon Jr., nawalan siya ng kontrol sa manibela at upang maiwasang mahulog sa bangin ay napilitan isalpok na lang sa punongkahoy sa gilid ng highway. (Joy Cantos)
ZAMBALES Isang negosyanteng Bumbay ang natangayan ng malaking halaga makaraang holdapin ng dalawang lalaki sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Iba, Zambales kamakalawa. Bukod sa malaking halaga ang nalimas ay tinangay pa ng mga holdaper ang motorsiklo ng biktimang si Gulzar "Mike" Singh, 38, ng Sitio San Miguel, Barangay Palangina, Iba. Sa follow-up operation ng pulisya, nasakote naman sa boundary ng bayan ng San Antonio at San Marcelino ang isa sa dalawang suspek na si Dionisio Pablo, 38, ng Barangay San Nicolas, Nueva Ecija. Ayon kay SPO1 Ramon Supe, hinarang ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo ang biktima bago nagdeklara ng holdap. (Fred Lovino)
QUEZON Patay agad ang isang 27-anyos na truck helper habang malubhang naman ang kasama niyang drayber makaraang bumaligtad ng ilang ulit ang sinasakyang cargo truck na nawalan ng preno habang tinatahak ang diversion road na sakop ng Barangay Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Ruel Fernando, habang ginagamot sa ospital ang driver na si Perlito Subiaga, 30, kapwa naninirahan sa Las Piñas City. Ayon kay SPO1 Godofredo Patino, ang trak (WSM-185) na patungong Tacloban City ay maghahatid ng mga appliances nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber kaya makailang ulit na nagpaikut-ikot hanggang sa bumaligtad. Namatay agad sa loob ng sasakyan ang pahinante dahil sa pagkakaipit habang inabot pa ng dalawang oras bago tuluyang nailabas ang driver. (Tony Sandoval)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest