December 2, 2006 | 12:00am
Hapones tinodas ng holdaper |
CAVITE Naging inutil ang kapulisan sa bayan ng Imus na masugpo ang lumalalang holdapan matapos na isa na naman insidente ng holdap ang naganap kung saan isang 45-anyos na Japanese trader ang binaril at napatay ng tatlong armadong kalalakihan sa nabanggit na bayan sa Cavite kahapon ng umaga. Ang biktima na naisugod pa sa ospital ay nakilalang si Horie Toshiro ng Barangay Alapan 1-C. Ayon kay PO1 Randy Dela Rea, sakay ng multicab ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Andrealyn Tanesa nang harangin ng mga holdaper. Tinangkang agawin ng isa sa mga holdaper ang bag ni Tanesa, subalit nanlaban ang Hapones kaya siya binaril. Tumakas ang mga holdaper sakay ng motorsiklo.
(Cristina Timbang)
SURIGAO CITY Nauwi sa karahasan ang masayang inuman ng alak sa KTV lounge kung saan isa sa limang kalalakihan ang napatay sa saksak habang tatlo naman ang malubhang nasugatan sa naganap na rambulan sa bahagi ng New Taboan Market, Langihan District, Butuan City, kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang napatay na si James Gomez ng Brgy. Ong Yiu, samantalang ang mga nasugatan ay sina Rolando Magbanua Alvarez, 26; Junie Villanueva, 20; at Jomar Sabangan, 19. Base sa ulat ni P/Supt. Ramon Castillo Espiritu, Butuan PNP director, magkakasamang nag-iinuman ang mga biktima na pawang lango sa alak nang sumiklab ang rambulan. Tugis naman ng pulisya ang nag-iisang suspek na si Mike Azarcon ng Purok 7, Brgy. Bading, Butuan City.
(Ben Serrano)