Kinilala ni Supt. James Brillantes, hepe ng Regional Special Operations Group 4A ang napatay na lider na si Judagong "Jing" Mondrial, 37, ng Pulto St., Brgy. 196, Pasay City na namatay noon din matapos ang engkuwentro.
Nadakip naman ang dalawang sinasabing triggermen ni Mondrial na sina Roger Gonzaga, 23 at Ronald Karangalan, kapwa naninirahan sa Tramo, San Dionisio, Parañaque City.
Ayon kay Brillantes, bukod sa linya ng robbery, ang Waray-Waray Abuyog Group ay sangkot sa kidnapping at carnapping sa Calabarzon sa Region 4 at Metro Manila.
Nabatid na ang pinakahuling tinarget ng grupo ay ang pagpasok at pagnanakaw sa Makro Mall sa Cainta, Rizal at Pasig City noong Nobyembre 13, 2006.
Base sa report, naganap ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng RSOG at naturang grupo dakong alas-8:30 ng umaga na tumagal ng mahigit sa 10 minuto ang palitan ng putok.
Natiktikan umano ng tropa ng RSOG na ang mga suspek ay magsasagawa ng pagsalakay sa isang business establishment sa Cabuyao, Laguna upang magsagawa ng sorpresang operasyon ang mga awtoridad.
Imbes na sumuko ang mga suspek, nakipagpalitan ng putok ang mga ito hanggang sa napilitang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkasawi ng nasabing robbery gang leader at pagkakadakip ng dalawang suspek.