3 Tsino timbog sa shabu lab raid

CAMP CRAME – Tatlong Tsino na pinaniniwalaang miyembro ng malaking sindikato ng droga ang inaresto matapos na makumpiskahan ng milyong halaga ng kemikal at mga aparatus ng droga sa isinagawang pagsalakay sa shabu lab sa Barangay Sinailan, Digos City, Davao del Sur kahapon ng umaga. Kabilang sa mga suspek na sumasailalim sa masusing interogasyon ay nakilalang sina Victor Lu, Vinzon Lu at Vernold Lu na pawang dayuhan na pinaniniwalaang nagpapanggap na lehitimong negosyante.

Batay sa report ni P/Chief Inspector Cesar Cabuhat, hepe ng Davao City PNP, isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant sa Industro Field Export Trading office dahil sa napaulat na ginagawang imbakan ng mga hindi lisensyadong baril. Gayon pa man, ayon sa opisyal, bumulaga sa raiding team na ginawang laboratoryo ng shabu ang nabanggit na opisina. Maliban sa mamahaling mga kemikal, kasangkapan sa naturang operasyon ay nasamsam din ang isang kilo ng shabu at nakuha rin ang tatlong shotgun at isang homemade revolver pistol mula sa pag-iingat ng mga inarestong dayuhang Tsino. (Joy Cantos)

Show comments