P4-M tabla kinumpiska
November 10, 2006 | 12:00am
NUEVA ECIJA Aabot sa P4-milyong tabla mula sa illegal logging ang nakumpiska ng mga sundalo ng 48th Infantry Battalion sa kabundukang bahagi ng Barangay Dilaguidi, Dilasag, Aurora, noong Martes. Sa ulat ni Lt. Col. Joselito E. Kakilala, hepe ng 48th IB kay Major Gen. Juanito Gomez, hepe ng 7th Infantry Division sa Palayan City, Nueva Ecija, nasabat ang 152,000 ibat ibang uri ng tabla sa nabanggit na lugar kabilang na ang tatlong generator at mga gamit sa pagputol ng troso. Kasalukuyang nai-turnover na sa lokal na pamahalaan ang nasamsam na P4 milyong tabla para magamit ng mga residente na nawalan ng tirahan dulot ng bagyong "Paeng". (Christian Ryan Sta Ana)
CAVITE Pinaniniwalaang mga tiwaling alagad ng pulis na pawang naka-bonnet at bullet-proof vest ang tumangay ng ibat ibang baril at bala makaraang pasukin ang isang gunstore na nasa ikatlong palapag ng RFC Mall sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa bayan ng Imus, Cavite kahapon ng madaling-araw. Ayon kay P/Senior Supt Mark Edison Belarma, bandang alauna y medya nang disarmahan ang sampung guwardiya ng mall at pasukin ng mga armadong kalalakihan ang Casa Armas. Ilang minuto lamang ang itinagal ng krimen kung saan natangay ang ibat ibang uri ng baril, bala at malaking halaga bago tumakas sakay ng dalawang van na walang plaka. Nadiskubre lamang ng pulisya ang pagnanakaw matapos na nakawala sa pagkakagapos ang mga sekyu. (Cristina Timbang)
CAMARINES NORTE Limang sundalo ng Phil. Army kabilang na ang isang junior officer ang sinibak sa puwesto matapos salakayin ang himpilan ng pulisya ng Naga City, Camarines Sur na nauwi sa pagpapalitan ng putok ng magkabilang panig kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga sinibak ay sina Captain Eric Culvera, intelligence officer ng 9th Infantry Division ng Philippine Army; Private First Class Allan Desamero, Private First Class Larry Cosepe, Seargeant Raul Olaybal at isang Private First Class Delfino. Ayon kay Army Spokesman Major Ernesto Torres Jr., nilusob ng mga sundalong suspek ang himpilan ng pulisya sa Naga City noong Martes matapos arestuhin ang tatlong sundalo dahil sa paglabag sa batas trapiko. Napag-alamang niratrat ng mga suspek ang police station at maging ang mobile car na nagpapatrulya sa panulukan ng Arana at Elias Angeles ng nasabing lungsod. Gumanti naman ng putok ang mga pulis na sina PO3s Reynaldo Balindan, Roderick Carino at Public Safety Officer Feliciano Senosin at himala namang walang nasugatan sa naganap na bakbakan. Nahinto lamang ang shootout matapos mamagitan ang mga opisyal ng pulisya at Philippine Army, habang iniimbestigahan ang nasabing insidente. (Francis Elevado at Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended