Suspect sa PWU murder case, nakapuga

LAGUNA — Nakapuga sa jail escort ang pangunahing suspect sa pagpatay ng isang babaeng estudyante ng Philippine Womens University (PWU) noong Oktubre 2004 makaraang dumalo ng court hearing sa bayan ng Biñan, Laguna kahapon.

Kinilala ni P/Supt. Willy Atun, hepe ng Biñan PNP, ang nakapugang akusado na si Gilbert Ronquillo, 36, ng KM 57 Libis Lalakay, Los Baños, Laguna.

Si Ronquillo na miyembro ng Sputnik Gang, ay itinuturong suspect sa pagpatay kay  PWU student Jaimarie Reyes sa Sta. Rosa City, Laguna.

Ayon sa ulat ni Superintendent Ceasar Perez, Laguna provincial jail warden, bandang alas-5 ng hapon nang masalisihan ni Ronquillo ang kanyang escort matapos dumalo sa court hearing sa Biñan Regional Trial Court.

Napag-alamang nag-request ang abogado ni Ronquillo na nakilalang si Atty. Manuel Satuito sa escort nito kung pwedeng makausap sandali sa hallway ng RTC kaya tinanggalan ng posas ni Jail Officer 1 Harvey Ramos ang suspect.

Matapos ang pag-uusap ng dalawa ay nagpaalam si Ronquillo kay JO1 Ramos para umihi kaya sinamahan naman sa comfort room.

Nang makatapos umihi, nag-request naman si Ronquillo na kung pwedeng sumakay sandali sa kotse ng kanyang syota na nakaparada sa harap ng RTC dahil matagal na niya itong nami-miss.

Pumayag naman si JO1 Ramos, subalit nagulat na lang ang escort nang biglang sumibad ang kotseng sinasakyan ng mag-syota sa hindi pa malamang direksyon.

Kasalukuyang tugis ng pulisya ang suspect at ang kanyang syota na sakay ng kulay pink na Toyota Corolla na may plakang GHV-825. (Arnell Ozaeta)

Show comments