Kinilala ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator ret. Major Gen. Glenn Rabonza ang mga nasawi na sina Josefino Bacus Jr., 19; Paul John Pamprea, 17 at Jeroh Tan, 16-anyos; pawang ng nasabing lungsod.
Patuloy namang pinaghahanap ang mga nawawala pang biktima na sina Marvin Tirong, 17 at isang tinukoy lamang sa pangalang Michael.
Ang mga nasugatan ay tinukoy namang sina Adrian Varques, 16; nilalapatan ng lunas sa Chong Hua Hospital; Ronnie Berbisado, 20; isinugod sa Cebu City Medical Center habang sina John Carlo Marinduque, 16; Rets Sabay, 16 at Ernel Badayos ay pawang pinalabas na sa Talisay District Hospital matapos na gamutin sa kanilang tinamong mga sugat sa katawan sanhi ng paghampas sa batuhan at mga kahoy sa nangyaring insidente.
Ayon kay Rabonza, dakong alas-2 ng hapon nang maisipan ng magbabarkada na maligo sa Bulacao River sa Sitio Kabankalan, Brgy. Bulacao Pardon.
Ang mga biktima ay patungo sa Laya Spring Water para sana mag-swimming at nang tumawid sa nasabing ilog ay naakit pa silang maligo.
Gayunman, habang masayang nagsisipaglangoy ang mga biktima ay biglang rumagasa ang malakas na flashflood bunsod ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa lugar at tinangay ang mga ito.
Ang tatlong nabanggit na biktima ay narekober ang bangkay sa isinagawang search and rescue operations simula kamakalawa ng hapon hanggang kahapon ng umaga habang patuloy pa ring pinaghahanap ng rescue team ang dalawa pang nawawala.
Sugatan namang nailigtas ng rescue team ang lima sa mga biktima na isinugod sa pagamutan. (Joy Cantos)