Kabilang sa pulis na kinasuhan at posibleng masibak sa puwesto ay nakilalang sina Chief Inspector Porferio Calagan, SPO4 Marquez Madlon, SPO4 Arthur Lucas at PO2 Edwin Garcia, pawang nakatalaga sa PDEA-Cordillera Administrative Region.
Ang kasong kidnap-for-ransom na isinampa sa Pangasinan Regional Trial Court (RTC) ay isang kasong walang inirerekomendang piyansa.
Sinabi ni Chief Supt. Leopoldo Bataoil, police regional office (PRO) 1 director, ang mga suspek ay nasakote sa dragnet operation sa kahabaan ng national highway ng Sta. Maria, Pangasinan dakong alas-3 ng hapon noong Huwebes.
Ayon kay Bataoil, ang operasyon ay nag-ugat matapos silang makatanggap ng ulat hinggil sa modus operandi ng mga suspek laban sa dalawang inarestong sina Dexter Evangelista at Liza Marquez kaugnay sa drug pushing sa Cordillera Region.
Subalit sa halip na dalhin sa himpilan ng pulisya sina Marquez at Evangelista ay dinala ng mga suspek sa Barangay Alac, San Quintin, Pangasinan kung saan ay hinihingan ng P440,000 kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa dalawa.
Naibaba naman sa P150,000 ang nasabing demand matapos ang masusing negosasyon. Si Evangelista ay pinalaya matapos maibigay ng pamilya nito ang P110,000 habang si Marquez ay nanatili sa kustodya ng PDEA operatives hanggang hindi naibibigay ang balance pang P40,000.
Matapos mabatid ang insidente ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasakote sa apat na PDEA operatives na nasamsaman ng apat na sachet ng shabu, tatlong plaka ng sasakyan at isang Toyota Revo na walang plaka.
Idinagdag pa ng opisyal na ang apat ay pawang dinisarmahan na matapos na sibakin at ngayoy nasa ilalim ng kustodya ng PRO 1. (Joy Cantos at Myds Supnad)