Misis napatay ni mister

CAVITE – Inihabol pa ni kamatayan sa Undas ang isang 35-anyos na misis makaraang tamaan ng ligaw na bala ng baril na ipinutok sa ere ng sariling mister sa Barangay Sabutan, Silang, Cavite kahapon ng madaling-araw. Sapol sa ulo at hindi na umabot ng buhay sa Velasco Hospital ang biktimang si Vinia Bayacal, samantalang napigilan naman sa pagpapakamatay sa selda ang suspek na si Edwin Bayacal, 44, seaman. Ayon kay SPO3 Eduardo Eusebio, dumating ang suspek sa kanilang bahay na senglot kaya nairita ang biktima at kinompronta ang kanyang mister. Nagalit ang suspek at binunot ang baril bago nagpaputok sa ere, subalit bumalik ang bala sa ulo ng kanyang misis at nasawi. (Cristina Timbang)
Magkaibigan pinabulagta
CAVITE – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa magkaibigang lalaki makaraang ratratin ng dalawang nakamotorsiklo sa panibagong karahasang naganap sa Barangay Burol 2, Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Ang mga biktimang kapwa napuruhan sa ulo ng bala ay nakilalang sina Mario Esternon, 26 , ng Blk 14 Lot 32; at si Regie Angeles, 13, ng Blk 19 Lot 14. Ayon kay PO1 Marvin Causaren, nagkukuwentuhan ang dalawa bandang alauna ng madaling-araw nang huminto ang motorsiklong may lulang dalawang hindi kilalang lalaki at isagawa ang krimen. (Cristina Timbang)

Show comments