Mortar sumabog: 9-anyos dedo, 4 pa grabe

CAMP CRAME – Isang siyam na taong gulang na batang lalaki ang nasawi habang apat pang paslit ang malubhang nasugatan matapos sumambulat ang napulot ng mga itong 40 MM mortar na kanilang pinaglaruan sa Butuan City, Agusan del Norte kahapon ng umaga.

Idineklarang dead-on-arrival sa Butuan City Medical Center ang biktimang si Jimboy Dunting matapos na halos magkagutay-gutay ang katawan.

Nasa malubha namang kalagayan ang apat pang biktima na sina Junihen, 2 anyos; Jolibe, 6; kapwa kapatid ng biktima at mga kalarong sina Edizon Malaque, 5 at nakababata nitong kapatid na si Darwin, 3; pawang residente ng Sitio Mahayahay ng lungsod.

Ayon kay Chief Supt. Rodolfo Nanas, Regional Director ng Northeastern Mindanao Provincial Regional Office (PRO) 13, naganap ang insidente sa Sitio Mahayahay, Brgy. Anticala ng lungsod dakong alas-7:20 ng umaga.

Kaagad na inutos ni Nanas ang masusing imbestigasyon sa nangyaring pagsabog ng 40 MM, bala ng M 203 grenade launcher.

Base sa imbestigasyon, kasalukuyang naglalaro ang mga biktima sa likuran ng tahanan nina Dunting ng mapulot ng biktima sa damuhan ang bala ng 40 MM.

Dahilan sa sobrang kalikutan ng mga bata at bunga na rin ng kuryosidad ay pinaglaruan ng mga ito ang 40 MM hanggang sa malakas na pagsabog ang yumanig sa lugar na ikinasawi ng biktima habang apat pa ang nasugatan.

Narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang nagkapirapirasong bala ng grenade launcher. (Joy Cantos)

Show comments