Kabilang sa kinalawit ni kamatayan ay sina Juanito Danghale, Lito Pocquias na kapwa naninirahan sa bayan ng Mt. Kayapa at Samuel Hernandez, pinsan ng dating acting vice mayor at kasalukuyang konsehal na si Arnel Hernandez. Karamihang sibilyan na nasugatan ay tinamaan ng mga basag na bote ng alak na pinagbabato ng magkalabang grupo.
Ayon kay P/Chief Insp. Peter Cambri, hepe ng pulisya sa bayan ng Bambang, nagsimula ang kaguluhan sa simpleng bagay na hindi nabatid mula sa grupo ng Hernandez at Pocquias na nakaupo sa magkahiwalay na mesa sa loob ng Montanosa Videoke Bar.
Ayon sa pulisya, tinangkang awatin ni Danghale ang magkabilan grupo na nagkakasagutan habang nakialam na rin sa pag-awat si Hernandez.
Hindi nagtagal ay nagsimulang magtayuan ang magkalabang grupo na pawang mga senglot sa alak na nakilahok na rin sa sagutan.
Dahil sa umiinit na komprontasyon ng magkalabang grupo ay nairita ang ibang customer na umiinom ng alak kaya sumali na rin sa kaguluhan hanggang sa bumulagta ang tatlo.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa magkalabang grupo kabilang na ang mga customer na nakihalo sa insidente at maging ang management ng nasabing videoke bar ay sasampahan ng kaso matapos ang imbestigasyon. (Charlie Lagasca)