Magsasaka dinedo ng mag-utol
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinaniniwalaang nainggit sa kahusayang magsayaw ng isang 19-anyos na magsasaka kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang biktima ng mag-utol na lango sa alak sa naganap na karahasan sa Barangay Parina, Palanas, Masbate kahapon ng madaling-araw. Napuruhan sa dibdib ng patalim ang biktimang si Oligario Adaptante Jr., samantalang tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Edwin Abenir, 24; at Zaldy Abenir, 25. Ayon sa pulisya, bandang ala-2 ng madaling-araw nang mamataan ng mga suspek ang biktima sa ginanap na sayawan. Nagalit ang mag-utol dahil tinalikuran sila ng biktima habang kinakausap kaya pinagtulungan patayin. (Ed Casulla)
QUEZON Karit ni kamatayan ang sumalubong sa magpinsang lalaki habang dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang motorsiklo at pampasaherong jeepney sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Culiat, Lucban, Quezon kamakalawa. Sa naantalang ulat na nakarating sa pulisya, ang mga biktima na kapwa nabasag ang bungo dahil sa pagkabagok ay nakilalang sina Arnold Salvaleon y Rondilla at Teodoro Rondilla ng Barangay Kulapi. Sugatan naman sina Gemma Bombita at Lady Loise de Guzman, na kapwa pasahero ng jeepney (DVD-184) na minamaneho ni Cesar Galera. Sa ulat ng pulisya, naganap ang sakuna sa kurbadang kalsada. Lasog ang katawan ng magpinsang sakay ng Kawasaki Barako motorcycle. (Tony Sandoval)