Sa public consultation na ginanap sa Barangay Biga, Silang, Cavite sa International Institute for Rural Reconstruction (IIRR) na nilahukan ng ibat ibang ahensya ng gobyerno at residente ng Ternate, tinalakay ang panukalang Solid Waste Processing Facility na may sanitary Landfill na itatayo sa quarry area na sakop ng Ternate sa ilalaim ng pamamahala ng Environsave, Inc.
Ayon kay Engr. Rolinio Pozas, provincial government-ENR officer, umaabot sa 800 tonelada ng basura mula sa ibat ibang bayan ng Cavite ang naitatapon araw-araw, kaya isinulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang sanitary landfill na resulta ng Garbage Summit and Workshop na ginanap noong Disyembre 2003.
Base sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau noong Pebrero, ang lugar ay angkop sa panukalang sanitary landfill na pawang residual wastes lamang mula sa mga basurang makokolekta ang mapupunta sa waste management facility na ito at magkakaroon din ng materials recovery facility sa tatlong pang stratehikong lugar sa Cavite.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Environsave sa pangunguna ni Engr. Ray Guillermo kay Cavite Gov. Ayong Maliksi na bubuo sila ng mahusay na project management team na mamahala sa pagtatayo ng nasabing proyekto.
"Naniniwala ako na ang mga grupo na tumututol sa panukala ay kulang lamang sa tamang impormasyon tungkol sa proyekto o kaya ay naiimpluwensyahan ng mga taong nagpapanggap na may kaalaman sa sanitary landfill. Ang teknolohiya na gagamitin ay kapareha sa ibang bansang tulad ng Amerika kaya nanawagan ako sa aking mga kabayan na makiisa, ang basura ng Metro Manila ay hindi dadalhin sa itatayong sanitary landfill sa Ternate at kung sakaling dumating ang panahon na magkaroon ng problema ay agad nating ipatitigil ang operasyon ng sanitary landfill," pahayag ni Maliksi. (Arnell Ozaeta)