1 patay sa flashflood, 541 pamilya inilikas

CAMP CRAME – Isa katao ang nasawi habang may 541 pamilya o libong katao ang inilikas matapos na salantain ng flashflood dulot ng malalakas na buhos ng ulan ang lalawigan ng Misamis Oriental at Lanao del Sur kamakalawa.

Sa report ng Regional Disaster Coordinating Center (RDCC), umaabot sa 54 kabahayan ang tuluyang nawasak at may 62 naman ang bahagyang napinsala sa mga bayan ng Tagoloan, Balingasag, Lagonglong at Salay sa lalawigan ng Misamis Oriental.

Ayon kay RDCC Chairman Chief Supt. Florante Baguio, Regional Director ng Northern Mindanao Police Regional Office (PRO), isang 70-anyos na matandang lalaki sa bayan ng Lagonglong ang nagtamo ng grabeng sugat sa katawan sa hagupit ng flashflood.

Nabatid na umapaw ang ilog sa bayan ng Balingasag at Tagaloan sanhi ng malalakas na mga pagbuhos ng ulan sa nasabing lugar nitong mga nakalipas na araw na siyang nagdulot ng flashflood dito.

Iniulat naman ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) sa lalawigan ng Lanao del Sur ang pagkamatay ng isang 45-anyos na lalaki na nadaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Brgy. Daguan, Kapatagan ng nasabing probinsya. Naitala naman sa 541 pamilya na binubuo ng libong katao ang inilikas sa mga evacuation center sa mga lugar na naapektuhan ng flashflood.

Kaugnay nito, namahagi na ang lokal na pamahalaan sa Misamis Oriental ng mga relief good sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad sa lalawigan. (Joy Cantos)

Show comments