Staff ng solon, todas sa security aide

CAMP CRAME –Kamatayan sa mismong ika-30 taong kaarawan ang kinahinatnan ng isang staff ng isang Kongresista nang pagbabarilin ng isa sa mga security aide ng opisyal matapos ang mainitang pagtatalo sa Naguilian, La Union kamakalawa.

Ang biktimang si Armen Mato ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Naguilian District Hospital, isa sa mga staff ni La Union Rep. Tomas Dumpit.

Pakay naman ng malawakang manhunt operation ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si PO3 Raul Torres, miyembro ng Police Security and Protection Office (PSPO) na nakatalagang aide ng solon.

Sa report ng La Union Police, naganap ang insidente sa loob ng compound ni Dumpit na matatagpuan sa Brgy. Ortiz, Naguilian ng lalawigang ito dakong alas-3:30 ng hapon.

Nabatid na kasalukuyang nagdiriwang ng kanyang kaarawan ang biktima kung saan nag-iinuman ang mga ito at ilang mga security ni Dumpit nang maganap ang insidente.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Mato at ng suspek na humantong sa pamamaril ng huli na naging dahilan ng kamatayan ng naturang biktima.

Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang nangyaring krimen. (Joy Cantos)

Show comments